Isa sa mga hinding-hindi ko makakalimutan na itinuro ng mga magulang ko sa akin noong bata pa ako ay ang pagmamahal sa ating bansa. Laging ipinapaalala ng mama ko sa akin na dapat kapag inaawit ang Pambansang Awit ng Pilipinas ay dapat ko itong kantahin ng buong puso. Mahalaga na ako'y magbigay pugay sa mga taong nagbuwis ng buhay upang ating matamasa ang kalayaang ating dinaranas.
Pero katulad ng maraming kabataan, masyado akong nakokonscious kapag inaawit ang Pambansang Awit lalung-lalo na kapag kasama ko si mama kasi talagang kumakanta sya ng malakas ang boses na talagang maririnig sya ng iba. Nabago lamang ito sa akin noong ako'y kwentuhan nya ng isang karanasan nya sa buhay.
Sya ay bumiyahe pa-abroad para sa isang internasyonal na kumperensya. Sabi nya noong tinawag ang mga kalahok na Pinoy upang awitin ang kanilang Pambansang Awit, sila'y nagsitayuan at hinayaang ipatugtog ang tape na naglalaman ng awitin. Matapos nito, ilang kalahok ng ibang mga bansa ang nagsitayuan at tulad ng mga Pinoy, marami rin sa kanila ang hindi umawit ng ipatugtog ang kanilang mga Pambansang Awit. Ngunit ng tawagin ang mga kalahok ng bansang Japan, nakaramdam si mama ng lungkot ng makitang halos maiyak ang mga Hapon sa pag-awit ng kanilang Pambansang Awitin. Sabi nya talagang nakikita mo sa kanilang mga mata ang lalim ng kanilang pagmamahal sa kanilang bansa. Sa simpleng akto ng pag-awit ng Pambansang Awit nila ay nararamdaman mo ang respeto at katapatan nila sa kanilang bansa.
Noong nakaraang linggo, marami akong nabasa sa status ng mga kaibigan at kakilala ko sa facebook na sa araw noong hostage taking, ikinahiya nilang maging Pilipino. Masyado akong nalungkot ng mabasa ang mga status updates na iyon. Totoo na malakit lamat sa ating imahe bilang isang bansa ang trahedyang nangyari, pero hindi ko maubos maisip na ikakahiya mo ang pagiging Pilipino mo dahil sa kamalian ng iilan. Ang mas malungkot kamo, naisip ba natin noon na ipagmalaki na tayo'y Pilipino? O mas madaling maghugas kamay at sabihing nakakahiyang maging Pinoy kapag may mga nangyaring ganito. Baka naman kapag nanalo lang si Manny na tayo'y "Proud to be Pinoy."
Habang hindi ko iniexcuse ang kahinaan ng ating pulis, hindi ko tanggap na dapat ikahiya ang aking pagiging Pilipino. Imbes, dapat na isipin natin kung papaano matutugunan ang kanilang kahinaan imbes na insultuhin. Base sa aking pagkaintindi kaya naganap ang hostage ay dahil sa pagkawala ng trabaho. Hindi sa sinasabi ko na tama ang kanyang ginawa pero ang kanyang ginawa ay testamento sa kahinaan ng ating mga institusyon na alagaan ang mga taong nagsisilbi sa ating bansa. Kaya nga maraming gustong umalis sa Pilipinas kasi dito, walang pera. Maraming mga OFW ang nagtitiis sa sweldong halos pwede rin naman makamtam dito sa Pilipinas kaso walang trabaho.
Sabi ng mama sa akin, kapag may trabahante ka, wag na wag mo silang gugutumin. Kasi hindi sila makakapagtrabaho ng maayos kung gutom sila. Kapag nawawalan ng trabaho ang tao, nawawalan sila ng panggagalingan ng kakainin ng kanilang pamilya. Kung sana sapat ang sweldo ng ating mga government employees, hindi nila iisipin na maging corrupt.
Alam ko na ginagawan ng paraan ng Gobyernong Aquino ang sitwasyon. Hindi ako nagtataka na sa umpisa ng kanyang administrasyon ay nagkaroon ng ganitong trahedya dahil ito ang magpapatunay sa kahinaan ng ating mga institusyon. Pero imbes na ating patuloy na insultuhin or pagkawalan ng tiwala ang ating gobyerno, sana ay atin silang tulungan na maibangon ang ating bansa. At saan pa magsisimula kundi sa sarili.
Be proud to be Pinoy. Tayo-tayo lang naman ang tutulong sa isa't-isa diba?
No comments:
Post a Comment